Limang national road sections ang pansamantalang isinara sa trapiko habang dalawa naman ang may limitadong akses dahil sa epekto ng Low Pressure Area (LPA) at Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Sabado, Setyembre 6, 2025.

Tatlo sa mga apektadong kalsada ay matatagpuan sa Cordillera Administrative Region (CAR) habang dalawa naman sa Rehiyon II.

Kabilang sa mga dahilan ng pagsasara ay ang soil collapse, rock collapse, mataas na antas ng tubig, at nasirang bahagi ng tulay.

Sa CAR, isinara ang sumusunod na daan:

– K0263+200 sa Sitio Goldfield, Barangay Poblacion, Itogon, Benguet (Baguio-Itogon Road), na hindi madaanan simula pa Hulyo 28 dahil sa pagguho ng lupa.

-- ADVERTISEMENT --

– K0522+800 hanggang K0522+820 sa Pinukpuk Junction, Kalinga (Balbalan-Pinukpuk Road), hindi rin madaanan dahil sa soil collapse.

– K0476+250 sa Balatoc, Pasil, Kalinga (Lubuagan-Batong Buhay-Abra Boundary Road), hindi rin madaanan dahil sa soil at rock collapse.

Sa Rehiyon II, hindi madaanan ang:

– Cabagan-Santa Maria Overflow Bridge (Cabagan-Sta. Maria Road) dahil sa mataas na lebel ng tubig.

– Itawes Overflow Bridge 1 (Cagayan-Apayao Road) dahil sa nasirang Approach “B.” Naka-monitor na ang DPWH at magsisimula ang pagkukumpuni kapag bumaba na ang tubig sa Chico River.

Pinayuhan ng DPWH ang mga motorista na dumaan sa mga alternatibong ruta tulad ng Aquib (Tatanep)-Dugayong Bridge at Aquino Bridge sa Cagayan.

Samantala, dalawang national road sections ang may limitadong akses:

– K0223+020 sa Sitio Camp 2, Barangay Twin Peaks, Tuba, Benguet (Kennon Road), na ngayon ay passable lamang sa mga light vehicles dahil sa soil collapse at road slip.

– K0018+250 hanggang K0018+300 sa Cangomantong, Lazi, Siquijor (Luyang-Poo-Lazi Road), passable din lamang sa magagaan na sasakyan dahil sa road slip. Na-install na ang mga warning signs at patuloy ang monitoring ng mga apektadong imprastraktura.

Pinayuhan din ng DPWH ang mga motorista sa Siquijor na dumaan sa Larena-Basac-Maria Road bilang alternatibong ruta.

Ayon sa DPWH, ang lahat ng iba pang national roads at tulay sa mga apektadong rehiyon ay passable sa lahat ng uri ng sasakyan mula alas-10 ng umaga ng Setyembre 6.

Nabuo bilang Tropical Depression “Lannie” ang LPA noong Sabado ng madaling araw, ngunit agad din itong lumabas ng Philippine Area of Responsibility makalipas ang ilang oras. Gayunpaman, patuloy pa ring pinalalakas ng “Lannie” ang Habagat na magdudulot ng malalakas na bugso ng hangin sa ilang bahagi ng Luzon, ayon sa PAGASA.