Hawak na ngayon ng pulisya ang pitong baril na boluntaryong isinuko ng mga residente lalawigan ng Kalinga kaugnay sa kampanya laban sa loose firearms.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni P/Col. Davy Vicente Limmong, Provincial Director ng Kalinga Police Provincial Office, na ang mga nabawing armas ay resulta ng isinagawang malawakang oplan katok sa mga gunholders na nagpaso ang lisensya kung saan ay hinikayat ang mga ito na pansamantalang ilagak ang mga armas sa mga police station habang pinoproseso ang renewal ng lisensya at maiwasang magamit sa krimen.
Kabilang sa mga naisukong mga baril ay isang shotgun, isang 12-gauge shotgun, isang kalibre .22 na may isang magazine at isang .30 cal US model riffle na pawang mga homemade na baril.
Ayon kay Limmong, ang nasabing mga armas ay isinuko sa mga barangay chairman at police units sa bayan ng Tabuk, Tanudan, Pasil, Balbalan, Rizal at Pinukpuk.
Nananawagan naman si Limmong sa mga residenteng may baril pero walang kaukulang dokumento na isuko sa kanilang tanggapan ang kanilang mga armas upang makaiwas sa kasong illegal possession of firearms and ammunitions.