Umabot na sa pito ang nasawi sa pagguho ng isang gusaling itinatayo sa Barangay Balibago, ayon sa mga awtoridad nitong Linggo.

Sa ulat ng Angeles City Information Office, natagpuan ng search and retrieval team ang bangkay ng isang lalaking biktima bandang 7:50 a.m., na agad na isinailalim sa Disaster Victim Identification (DVI) protocol para sa tamang pagkakakilanlan.

Ayon kay Angeles City Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II, may nakuhang vaccination card sa debris na posibleng makatulong sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng biktima, ngunit isasailalim pa ito sa beripikasyon bago maglabas ng pinal na anunsyo.

Patuloy pa rin ang search, retrieval, at clearing operations ng Unified Command sa pinangyarihan ng insidente, isang linggo matapos ang pagbagsak ng nine-story structure.

Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na magpapatuloy ang pagbibigay ng tulong sa mga pamilya ng mga naapektuhan ng trahedya, habang nagpapatuloy din ang imbestigasyon sa insidente.

-- ADVERTISEMENT --