TUGUEGARAO CITY – Pitong gusali sa Region 2 ang pansamantalang ginawang quarantine facility ng Department of Public Works and Highways (DPWH) bilang pagtugon sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Wilson Valdez, tagapagsalita ng DPWH-region 2, ilan sa mga napiling pasilidad ay ang pinakamalawak na evacuation center sa Tuguegarao City, Lal-lo at Tuao, Cagayan, sa Tumauini, Isabela at sa Bayombong, Nueva, Vizcaya.
Aniya, kayang i-accommodate ng mga napiling pasilidad ang nasa mahigit 100 katao.
Bukod dito, sinabi ni Valdez na mayroong 40 station sa iba’t-ibang entry point ng rehiyon na nagsasagawa ng disinfection sa mga dumadaaang sasakyan.
Dagdag pa ni Valdez na may ipinatayo rin ang kanilang ahensiya na mga decontamination tent sa mga ospital, palengke at sa mga lugar na madalas puntahan ng mga mamamayan ngayong panahon ng krisis.