TUGUEGARAO CITY-Nagsagawa na ng pre-emptive evacuation ang tatlong Barangay dito sa lungsod ng Tuguegarao dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig sa Cagayan river dulot ng tuloy-tuloy na buhos ng ulan sa probinsya.

Ayon kay Mayor Jefferson Soriano ng Tuguegarao, nasa 70 pamilya na mula sa Brgy. Annafunan East at dalawang pamilya sa Linao East maging sa Brgy. Centro 01 na katumbas ng mahigit 300 katao ang nasa evacuation center.

Aniya, lahat ng mga residente sa core shelter na binubuo ng mahigit 100 pamilya sa Brgy. Annafunan East ay inilikas na kung saan ang ilan ay pansamantalang lumikas sa kanilang mga kaanak dahil sa unti-unting pagtaas ng tubig baha sa lugar.

Sinabi ng alkalde na ilan sa mga kalalakihan ang naiwan dahil sila ang magbabantay sa kanilang mga gamit habang nasa evacuation center ang kanilang pamilya.

Mahigpit naman ang ginagawang health protocols sa evacuation center kung saan kanilang kinukuhanan ng body temperature at nakasuot ng face mask ang lahat ng mga evacuees bilang pag-iingat sa covid-19.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ng alkalde na 955 na katao mula sa 2,341 o 41 percent ng mga sumailalim sa mass testing ay lumabas na ang resulta kung saan negatibo ang lahat sa virus.

Asahan naman na bukas ay darating ang iba pang resulta ng mga sumailalim sa mass testing.

Sa ngayon, sinabi ni Mayor Soriano na nasa 37 ang aktibong kaso ng covid-19 sa lungsod.