Nagpatupad na ng forced evacuation ang lokal na pamahalaan sa bayan ng Itbayat sa 288 na pamilya na biktima ng dalawang malakas na lindol sa Batanes na sa ngayon ay nasa Tropical Cyclone Warning Signal #2 dahil kay bagyong Ineng.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Dante Balao, regional director ng Office of Civil Defense (OCD) RO2 na nasa halos 700 katao na naninirahan sa mga tent ang inilikas at dinala sa mga government structure na hindi naapektuhan ng lindol habang sa kanilang kamag-anak nakituloy ang ilang inilikas.

Una nang tiniyak ni Governor Marilou Cayco ang kanilang kahandaan sa magiging epekto ng bagyo kahit hindi pa man sila nakakabangon sa pinsala ng lindol.

Samantala, bukod sa Batanes ay minomonitor ng ahensiya ang sitwasyon ng Cagayan river na sa kasalukuyan ay nanatiling nasa mababang antas ang lebel ng tubig.

Hinimok rin ni Balao ang publiko na mag-donate ng mga toilet bowls at mga construction materials para sa mga pamilya na naapektuhan ng lindol.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Balao na kulang pa ng 80 toilet bowls sa 288 na kailangan ng mga residente kasunod ng isinasagawang rehabilitasyon sa kanilang bahay na nasira.