Umakyat na sa 74 gun ban related incidents ang naitala ng Police Regional Office 2 hanggang ngayong araw ng halalan sa rehiyon dos.
Batay sa datos ng Regional Operations Division ng PRO-02, 86 ang mga nahuling lumabag sa pinaiiral na gun ban kung saan nakumpiska sa mga ito ang 70 na firearms at 23 na deadly weapons.
Bukod dito may mga nahuli rin ang pulisya na lumabag sa umiiral na liquor ban.
Samantala, bagamat may mga naitalang election related incidents sa rehiyon lalo na sa lalawigan ng Cagayan ay hindi pa aniya ito itinuturing na may kaugnayan sa halalan.
Aniya, under investigation pa kung may kaugnayan sa halalan ang naganap na pagpapaputok ng baril ng apat na hindi pa nakilalang suspek sa dalawang pulis sa Rizal, Cagayan at ang nangyari umanong pagtangay sa dump truck na ginamit sa pangangampanya ng isang kandidato sa bayan ng Abulug.
Sa kabila nito, naging mapayapa naman ang nagaganap na halalan sa rehiyon maliban na lamang sa ilang aberya sa mga makina na agad namang nasosolusyonan.