TUGUEGARAO CITY-Nakapagtala ng bagong casualty dahil sa coronavirus disease 2019 (COVId-19) ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC).
Ayon kay Dr. Glenn Mathew Baggao, medical Center chief ng CVMC, ang namatay na pasyente na isang 76-anyos na babae mula sa Brgy. San Jose, Enrile ay may Pneumonia at nakaranas ng ubo, lagnat at nahirapang huminga nang dalhin sa pagamutan nitong Setyembre 30, 2020.
Agad kinuhanan ng specimen ang pasyente kung saan batay sa resulta ng kanyang swab test ay positibo sa virus.
Ngunit, bago pa lumabas ang resulta ng swab test nito kahapon, Oktubre a-dos ay binawian na ng buhay noong Oktubre 1, 2020.
Nailibing na rin ito bilang pagsunod sa nakalatag na protocol na dapat mailibing ang isang covid-19 casualty sa loob ng 12 oras.
Samantala, nasa 31 confirmed cases naman ng covid-19 ang kasalukuyang minomonitor sa CVMC kung saan 20 dito ay mula sa Cagayan partikular sa lungsod ng Tuguegarao na mayroong 14, Solana na may tatlo, Camalanuigan na may dalawa at isa sa Enrile.
Karagdagang 11 ay mula sa Isabela partikular sa Ilagan City na may limang kaso, Tumauini na may apat at dalawa sa Delfin Albano.
Bukod dito, mayroon ding 19 na suspected cases ang minomonitor sa pagamutan kung saan sampu ay mula sa Cagayan, pito sa Isabela at tig-isa sa Apayao at Kalinga.
Sinabi ni Baggao na kasama sa mga nagpositibo ang dalawang health workers na kinabibilangan ng isang nurse at nurse attendant na mula sa Brgy. Tanza, Tuguegarao at sa bayan ng Enrile.
Ngunit, sinabi ni Baggao na maaring nahawa ang dalawa sa kanilang lugar dahil hindi naman umano sa covid ward nagdu-duty ang mga ito.
Sa ngayon, dalawang RT-PCR test pa rin ang ginagamit sa pagamutan dahil kasalukuyan pang hinihintay ang supplier ng pangatlong machine na una na ring natanggap ng pagamutan nitong nakalipas na araw dahil sila ang mag-iinstall nito.
Pinasalamatan naman ni Baggao ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno at mga grupo dahil sa patuloy na pagbibigay ng tulong tulad ng personal protective equipment (PPEs) na gagamitin ng mga health workers bilang proteksyon sa virus habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.