
Ikinasal ang 76 na pares sa isinagawang kasalang bayan dito sa lungsod ng Tuguegarao kahapon.
Pinangasiwaan ang nasabing aktibidad ng pamahalaang panlungsod ng Tuguegarao sa pangunguna ng Local Civil Registrar’s Office.
Sa kanyang talumpati, binigyang diin ni Engr. Elena Rivera, provincial statistics officer ng Philippine Statistics Authority o PSA Cagayan na napakahalaga ang isinagawang seremonya dahil magiging legal na ang pagsasama ng mga mag-partner lalo na ang mga matagal ng nagsasama.
Inihayag pa ni Rivera na makakatulong din ito sa kanilang mga anak na magkaroon ng maayos na dokumento lalo na sa kanilang pag-aaral.
Libre ang nasabing kasal, kabilang dito ang pagproseso ng Cenomar, birth certificate at pinaghandaan din sila ng libreng pagkain ng pamahalaang panglungsod.
Edad 69 ang pinakamatanda na sumali sa naturang mass wedding sa katauhan ni Ginoong Reynaldo Caronan habang ang kaniyang maybahay ay si Vicenta Tamayao, 67 anyos na mula sa Brgy. Caggay.
Sila ay 45 taon nang nagsasama simula noong 1975.
26 years old si tatay Reynaldo habang 25 years old si nanay Vicenta noong sila ay nagsama.
Nabiyayaan sila ng anim na anak kung saan tatlo sa kanila ang nakatapos sa kolehiyo.
Samantala 19 years old naman ang pinakabata sa mga ikinasal.
Nakatanggap naman ang mga bagong kasal ng gift pack mula kay Vice Governor Melvin Vargas Jr. ng Cagayan na nagsilbi rin nilang ninong.
Naging kwela naman ang seremonya na pinangunahan ni Mayor Maila Ting Que matapos niyang paghalikin sa “kiss the bride portion” ang mga groom at bride sa loob ng walumpung segundo batay sa dami ng mga couples.
Sa kaniya namang mensahe, pinayuhan ni Que ang mga bagong kasal na gawing sentro ng pagmamahalan ang Panginoon para malampasan ang mga problema na maaaring maranasan sa buhay may-asawa.




