Nasa 77 na mga menor de edad na may comorbidity ang nakatanggap na ng unang dose ng COVID-19 vaccines sa unang araw ng pilot vaccination drive sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC).

Kasama ang nasabing ospital sa tatlong DOH-hospital na ginawang pilot center sa Cagayan Valley na nagbukas ng COVID-19 vaccination para sa mga kabataang edad 12 hanggang 17 anyos na may sakit, gamit ang Pfizer vaccine.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Dr. Glen Mathew Baggao, medical center chief na may special precaution sa mga minor kaya sa hospital isinagawa ang pilot run ng vaccination upang mas matutukan ang monitoring dito.

Naging maayos naman aniya ang pagpapatupad ng pediatric COVID-19 vaccination kung saan ipagpapatuloy ang pagbabakuna sa mga pre-registered o sa mga naunang pinili na bibigyan ng bakuna sa araw ng Martes, November 2.

Dagdag pa ni Baggao na karamihan sa mga nabakunahang menor de edad ay mula sa Tuguegarao City at mga kalapit na munisipalidad na babalik pagkatapos ng 21-araw na interval para sa ikalawang dose.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, plano ng CVMC na ituloy ang pagbabakuna sa general adult population kontra COVID-19 matapos dagsain ng mga walkin.

Ayon kay Baggao na bahagi ito ng adhikain ng pamahalaan para sa mas mabilis na roll out ng mga bakuna na nakikitang dahilan ng pagbaba ng bilang ng COVID-19 cases.

Mula kahapon, ay nasa 95 confirmed COVID-19 cases na lamang ang nasa pangangalaga ngayon ng naturang pagamutan.