Mahigit 78,000 indibidwal ang apektado ng malawakang pagbaha sa mga mabababang bayan ng Maguindanao del Sur dulot ng patuloy na pag-ulan mula sa Inter-Tropical Convergence Zone (ITCZ) simula pa noong Mayo 14.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Mayo 17, tinukoy na 78,190 katao mula sa 47 barangay sa mga bayan ng Ampatuan, Datu Abdullah Sangki, Datu Saudi Ampatuan, Shariff Aguak, at Shariff Saydona Mustapha ang apektado.
Ayon sa NDRRMC, may ulat ding tatlong kabahayan ang nasira bunsod ng landslide sa Ampatuan, na may pinakamataas na bilang ng apektadong populasyon na nasa 24,930 katao.
Ang mga naturang bayan ay matatagpuan sa paligid ng 200,000-ektaryang Ligawasan Marsh, na sumasaklaw sa mga lalawigan ng Cotabato, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, at Sultan Kudarat.
Ang marshland na ito ang nagsisilbing catch basin ng tubig mula sa kabundukan ng Bukidnon at Sultan Kudarat.
Kinilala ng mga lokal na opisyal at kaugnay na ahensya na ang paulit-ulit na pagbaha ay dulot ng matinding pag-ipon ng burak at sediment sa Ligawasan Marsh at sa mga ilog na konektado rito.
Iniulat din ng Office of Civil Defense-BARMM na nasira ang isang tulay na yari sa kahoy sa Barangay Bagumbong, Mamasapano, na nakakaapekto sa galaw ng mga residente.
Sa Sitio Talisawa, Datu Abdullah Sangki, daan-daang ektarya ng lupang taniman ng mais, palay, mani, at iba pang pananim ang binaha.
Patuloy pa ang validation sa halaga ng pinsala sa mga pananim at imprastraktura.
Isinagawa ng OCD-BARMM sa koordinasyon ng Tactical Operations Group-12 at Division Public Affairs Office ng 6th Infantry Division ang aerial survey upang matukoy ang lawak ng pinsala sa mga apektadong lugar.