Isang 79-anyos na ginang ang naging biktima ng modus na budol-budol matapos makuha sa kanya ang mahigit kalahating milyong pisong halaga ng pera at alahas sa Tuguegarao City.
Kinilala ang biktima na si Luzviminda Divina, retiradong empleyado ng gubyerno at residente ng Brgy Tanza.
Ayon kay PLT Rosemarie Taguiam, tagapagsalita ng PNP-Tuguegarao na naghihintay ng tricycle ang biktima sa harapan ng Brgy Hall ng Tanza nitong umaga ng Huwebes nang lumapit ang isang babae na nagpakilalang si Graciel at kasamahan ng kanyang anak sa trabaho.
Habang nag-uusap, lumapit naman ang kasabwat na nagpakilalang chinese national na umanoy niloko ng isang tricycle driver sa halagang P1,000 at hindi inihatid sa kanyang destinasyon.
Kasabay ng kanilang modus operandi ay humingi ng tulong ang umanoy chinese national dahil nasa ospital ang kanyang ama at nangangailangan ito ng distilled water kung saan naman nagprisinta ng tulong si alyas Graciel.
Dito sumakay ang tatlo, kasama ang biktima sa isang puting sasakyan at dinaanan ang isa pang lalaking kasabwat sa isang coffee shop sa Tuguegarao North East Central School.
Habang nasa loob ng sasakyan ay nagrequest ang chinese national na dumaan sa isang mall sa lungsod upang kunin ang kanyang pera na nagkakahalaga ng isang milyong piso at tinanong ang biktima kung mayroon itong malaking halaga ng pera.
Dito mistulang nahipnotismo na umano ang biktima nang kusang-loob siyang nagprisinta at nag-witdraw ng P550,000 sa isang bangko sa lungsod at inutuang ilagay ang pera sa black-gray na bag.
Ibinigay rin daw niya ang kanyang hikaw at cellphone sa mga suspek bago inihatid sa kanyang tahanan kung saan sinabihan din umano siyang magluto para doon sila kakain.
Ibinigay rin daw ng mga suspek ang bag na inakala niyang puno ng pera at nang buksan niya ito pagkauwi ay natuklasan na dalawang libong piso at pawang mga papel lamang ang laman nito.
Sa kabilang banda patuloy parin ang kanilang ginagawang imbestigasyon sa nangyaring insidente kasabay ng paalala sa publiko na maging mapagmatayag sa lahat ng oras kapag silay nasa labas lalo na ang pagsama sa mga senior citizen na may dalang malaking halagang pera dahil sila ang kadalasang nabibiktima ng naturang modus.