TUGUEGARAO CITY-Humigit kumulang pitong libong board feet ng kontrabandong kahoy ang nasabat ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) Cagayan sa bayan ng Peñablanca nitong Mayo 12, 2020.
Ayon kay Atty. Ismael Manaligod, Provincial Director ng PENRO Cagayan,nagpatrolya ang kanilang forest protection officer kasama ang mga kapulisan kung saan kanilang nadiskubre ang mga common hardwood sa isang bakanteng lote sa Barangay Mangga.
Aniya, tinakpan ng tolda at nilagyan ng damo ang kahoy para hindi agad mapansin.
Nagkakahalaga ng P300-400K ang mga nasabat na kahoy .
Sinabi ni manaligod na pahirapan ang signal sa lugar kung kaya’t walang nagpapaabot ng impormasyon sa kanilang hanay para ipagbigay alama ang illegal na gawain sa lugar.
Kaugnay nito, iniimbestigahan na ang may-ari ng lote kung saan natagpuan ang mga kahoy.
Samantala , naniniwala si Manaligod na patuloy ang ginagawang pagputol ng mga mamamayan ng kahoy dahil mabilis itong pagkakitaan.
Dahil dito, nais ng kanilang tanggapan na mabigyan ng ibang pangkabuhayan ang mga residente sa lugar para maiwasan ang pagputol ng mga kahoy.