Nakapagtala ng pinsalang umaabot sa halagang 8.6 milyong piso ang sektor ng pangisdaan sa probinsya ng Batanes matapos ang hagupit ng Bagyong Julian.
Ayon kay Provincial Fishery Officer Dr. Ritchie Rivera, kabilang sa mga naapektuhan ang mga motorized at non-motorized na bangka, pati na rin ang mga fish cages sa bayan ng Itbayat.
Aniya, ang mga fish cages ay lubos na nasira, at nagkaroon ng mass mortality ng tilapia.
Dagdag pa ni Dr. Rivera, bukod sa mga lumubog na bangka, may ilan ding naanod ng malalaking alon at nagtamo ng mga bitak.
May mga bangka rin na nangangailangan ng overhaul dahil sa matagal na pagkakalubog ng kanilang makina sa tubig dagat.
Nagsumite na ng damage report ang BFAR Batanes upang humingi ng pondo at tulong para sa mga apektadong mangingisda sa probinsya.
Umaasa naman si Dr. Rivera na mabibigyan sila ng pondo para sa rehabilitasyon ng mga ito.
Binigyang-diin din ni Dr. Rivera ang kahalagahan ng pagpaparehistro ng mga mangingisda sa kanilang mga Municipal Agriculture Office, pati na rin ang pagpaparehistro ng kanilang mga bangka. upang maisama sila sa mga prayoridad na makatanggap ng ayuda sakaling maaprubahan ang hinihiling na pondo.