Umaabot sa 8.8 milyon ang tinatayang Pilipinong nakaahon sa kahirapan matapos bumaba sa 9.7% ang poverty incidence noong 2025 mula sa 18.1% noong 2021, ayon sa Department of Economy, Planning, and Development o DEPDev.

Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan, nakatulong sa pagbaba ng poverty rate ang pagbangon ng kita at employment, gayundin ang patuloy na social protection programs ng pamahalaan.

Gayunman, nagbabala ang DEPDev na maaaring mabawasan o tuluyang mabawi ang mga nakamit na pag-unlad kung mananatiling mataas ang inflation, na higit na nakaaapekto sa mahihirap at low-income families.

Hinikayat din ng ahensya ang pagpapalakas ng investments, exports, agriculture at industriya upang hindi lamang household consumption ang maging pangunahing sandigan ng paglago ng ekonomiya.