TUGUEGARAO CITY – Duguan at wala ng buhay nang datnan ng kanyang lolo ang 8-anyos na apo na aksidenteng nabaril ng kanyang kalaro sa Tuguegarao City.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PLT Isabelita Gano ng PNP Tuguegarao na pinaglaruan di-umano ng 12-anyos na suspek ang nakapatong na shotgun sa likod ng aircon sa bahay ng biktima dakong 7:30 nang gabi noong Sabado sa Main Avenue, San Gabriel.
Lumalabas sa imbestigasyon na pinukpok ng suspek ang naturang baril sa semento na dahilan ng pagputok nito at aksidenteng tinamaan sa ulo ang biktima habang kumakain.
Dagdag pa ni Gano na kasama sa bahay ang anim na taong-gulang na kapatid ng biktima na nakaligtas sa pagputok ng baril nang bigla itong yumuko upang pulutin ang nahulog na barya.
Dahil umano sa takot ng dalawa, itinabi ng suspek ang baril sa duguang biktima habang nakasandal ang ulo sa mesa at nagkulong na sa kwarto.
Nabatid na namasyal lamang ang suspek sa bahay ng biktima upang makipaglaro at naiwan silang tatlo dahil lumabas ang lolo at tatay ng biktima habang nagta-trabaho naman sa ibang bansa ang kanilang nanay.
Sa ngayon, inaalam pa ng pulisya kung kanino nakapangalan ang baril habang sasailalim sa counseling ng Department of Social Welfare and Development ang suspek na itinuturing bilang Child in Conflict with the Law (CICL).