@Camiguinortecalayanisland 

Walong katao sa Calayan, Cagayan ang kinasuhan dahil sa paglabag sa quarantine protocols na dahilan ng pagtaas ng aktibong kaso sa nasabing isla sa bilang na 52.

Maituturing na COVID-19 spreader ang mga ito ayon kay PMaj. Mario Maraggun, hepe ng PNP Calayan dahil pumunta ng mainland Cagayan ang naturang mga indibidwal na mula sa Brgy Camiguin nang walang koordinasyon sa mga otoridad.

Apat sa mga ito ay mga mangingisda na tumakas mula fishing area, patungong Claveria na may maraming aktibong kaso ng virus.

Hindi rin nagprisinta ng antigen test at nagsinungaling pa ang mga ito nang sila ay bumalik sa isla kinabukasan, na idiniretso sa quarantine facility.

Lumabas naman sa resulta ng kanilang swab test na positibo ang mga ito sa virus at nakahawa pa sa mga residente batay sa isinagawang contact tracing.

-- ADVERTISEMENT --

Mula sa 52 na active cases ay 48 rito ay galing sa Brgy Camiguin.

Muli naman ipinaalala ni Maraggun sa mga pupunta sa isla na kailangang makipag-ugnayan muna sa munisipyo at sasailalim sa kanilang quarantine facility sa bayan ng Aparri.

Pagdating sa Calayan ay muling isasailalim sa isolation at antigen test.

Bukod dito, sinabi ni Maraggun na anim na ang kanilang naaresto na kabilang sa listahan ng most wanted persons ngayong 3rd quarter ng taon.

Nakakumpiska rin sila ng P7,500 halaga ng Narra Lumber na tangkang ipuslit mula Camiguin patungong Sta. Ana.

Samantala, kinumpirma ni Maraggun na nakabalik na sa kanilang mga tahanan ang mga residenteng inilikas dahil kay bagyong Kiko.

Patuloy din aniya ang pagkalap ng datos ng ibat-ibang ahensya ng gubyerno sa pinsalang idinulot ng bagyo sa mga islang sakop ng Calayan lalo na sa sektor ng agrikultura.

Gayunman, sinabi ni Maraggun na minimal lamang ang pinsala ng bagyo ngunit sa kasalukuyan ay pahirapan pa rin ang linya ng komunikasyon sa ibang mga lugar ng isla.