Tinatayang aabot sa P170K ang halaga ng pinsala sa nangyaring sunog sa isang paupahang bahay sa Bagabag, Nueva Vizcaya nitong tanghali ng Huwebes, August 14.

Ayon kay SFO2 Helen Grace Buen ng Bagabag-Bureau of Fire Protection, nadamay sa sunog ang walong alagang aso na shih-tzu at mga paninda sa online selling ng isang pamilyang nangungupahan sa naturang bahay.

Sinabi ni Buen na napansin umano ng anak ng nangungupahan ng bahay ang amoy ng nasusunog na wire hanggang sa pumutok ang outlet kung saan nakasaksak ang electric fan na nakatutok sa mga aso.

Sumunod naman dito ang pagputok ng mga bulb hanggang sa makita na ang mabilis na pagkalat ng apoy dahil nakadikit ito sa kahoy na pader.

Nagawa namang mailabas ng may-ari ang ina ng mga aso subalit binalikan umano ng aso ang kanyang apat na naiwang anak sa loob hanggang sa sumunod naman sa loob ang tatlong iba pa na nasa labas kayat nasunog silang lahat.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na nasa pagtitinda sa palengke ang pamilya ng nangungupahan sa dalawang palapag na bahay at naiwang mag-isa ang anak.

Samantala, nilinaw ni Buen na agad nakarating ang BFP at puno ang fire truck nang dumating sila sa lugar ng insidente taliwas sa mga batikos ng mamamayan.

Hiniling rin niya sa mga residente na sana ay agad itong naireport sa BFP at sana tumulong ang mga ito sa pag-apula sa halip na nanonood at nagvivideo lamang sa nangyaring sunog.