
Pormal nang naiproklama na ng Commission on Elections (COMELEC) ang lahat ng 80 nanalong miyembro ng unang Bangsamoro Parliament.
Ayon kay COMELEC Chairperson George Garcia, kumpleto na ang proklamasyon sa lahat ng nanalong kandidato noon pang Martes ng gabi.
Sa kabuuang 80 puwesto, 40 ang party representatives, 32 ang district representatives at walong sectoral representatives.
Sa party representatives, pinakamaraming puwesto ang nakuha ng Bangsamoro Federal Party (BFP) na may 16, habang 15 naman ang nakuha ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP).
Walong puwesto naman ang nakuha ng BARMM Grand Coalition at isa sa Raayat Democratic Party.
Samantala, sa 32 district representative seats, 16 ang nakuha ng BFP, pito sa UBJP at anim sa Serbisyong Inklusibo-Alyansang Progresibo Party (SIAP).
May tig-isang puwesto naman ang Pro Bangsamoro, ITIHAD at isang independent candidate.
Magsisimula sa Oktubre 30 ang termino ng 80 bagong miyembro ng Parliament, na pipili rin ng magiging Chief Minister ng rehiyon.
Ang unang halal na opisyal ay magsisilbi hanggang Hunyo 30, 2031.









