Isinailalim sa pre-emptive evcuation ang 82 families na binubuo ng mahigit 300 individuals sa lungsod ng Tuguegarao bunsod ng patuloy na pagtaas ng tubig-baha dahil sa nararanasang pag-ulan buhat pa kagabi na dala ni bagyong Kristine.
Ang mga evacuees ay mula sa 11 isang barangay.
Sinabi ni Mayor Maila Ting Que, posibleng madagdagan pa ang mga evacuees dahil sa patuloy ang pagtaas ng antas ng ilog.
Ayon kay Que, sa kanilang pag-iikot ay binigyan na nila ng abiso ang mga residente na posibleng makaranas ng pagbaha para sa kanilang agarang paglikas at kung kinakailangan ay magsasagawa sila ng forced evacuation.
Sinabi pa ni Que na maraming sanga ang naputol at may ilang puno ang natumba dahil sa lakas ng hangin kagabi.
Idinagdag pa niya na may isang bahay ang nadaganan ng puno sa Barangay Bagay.
Kasabay nito, sinabi ni Que na handa ang mga relief goods na ibibigay sa mga apektado ng bagyo at naka-preposition na rin ang mga rescue assets.
Batay naman sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office sa Cagayan, umaabot sa 1,700 families o binubuo ng 3,800 inidividuals ang lumikas sa 17 bayan at 102 na mga barangay sa Cagayan.
Sinabi ni Rueli Rapsing, head ng PDRRMO, ang mga evacuees ay mula sa coastal towns ng lalawigan na flood prone area, o may banta ng daluyong at iba pang mga lugar na nasa low lying areas at mga lugar na may banta ng landslides.
Ayon kay Rapsing, patuloy ang kanilang pagbabantay dahil sa inaasahan na lalo pang tataas ang tubig sa ilog, kung saan sa ngayon ay 9.1 meters na ang water level sa Buntun bridge.
Sinabi niya na posibleng abutin pa ito ng 10 meters, kung saan ang critical level ay 11 meters na magbubunsod ng mga pagbaha.