Nakatulong ang OFW Hospital sa San Fernando City, Pampanga, sa kabuuang 86,371 overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang mga pamilya noong nakaraang taon.
Ayon kay Ralph Julius Mendoza, ang hepe ng OFW Hospital, 41,282 pasyente ang tinanggap bilang outpatients, samantalang 523 ang inpatients. May 2,711 naman na tumanggap ng agarang medikal na tulong.
Sinabi ni Mendoza na ang 41,855 pasyente ay nag-avail ng iba’t ibang uri ng medikal na tulong, kabilang na ang mga serbisyong radiology, respiratory, cardiology, at laboratory services.
Ang OFW Hospital ay may sariling parmasya na kumpleto sa mga gamot at kagamitan na kailangan ng mga pasyente.
Ang ospital ay isang PhilHealth-accredited at may Level 1 Specialty Hospital license.
Nag-aalok din ang ospital ng pre-employment medical examination packages para sa mga papasok na OFW at medical repatriation programs para sa mga na-deploy nang mga manggagawa.
Itinatag noong 2022, ang OFW Hospital ang kauna-unahan at tanging medikal na institusyon sa Pilipinas na nag-aalok ng komprehensibong serbisyo medikal para sa mga OFW at kanilang mga dependents.
Nakatakdang i-upgrade ng pasilidad ang kapasidad nitong 50 kama upang maging isang premier tertiary center na magbibigay ng mga diagnostic at therapeutic services na espesyal na idinisenyo para sa mga migranteng manggagawa.