Inilunsad ng Department of Information and Communications Technology ang programang “Trabahong Digital” na may layuning makalikha ng humigit-kumulang walong milyong digital na trabaho pagsapit ng taong 2028.
Ayon kay Assistant Secretary Renato Paraiso, tagapagsalita ng ahensya, ang paglulunsad ng pangunahing programang ito ay isang hakbang tungo sa inklusibong pagbangon ng ekonomiya at digital na transformasyon sa ilalim ng pamumuno ng bagong talagang kalihim na si Henry Rhoel Aguda.
Ginawa ang anunsyo sa pagbubukas ng National ICT Month ngayong taon na ginanap sa Basco, Batanes.
May temang “Walang Iwanan sa Digital Bayanihan,” binigyang-diin ng pagdiriwang ang layunin ng ahensya na tiyaking walang Pilipinong mapag-iiwanan sa panahon ng digitalisasyon.
Layunin ng ‘digital jobs’ na paigtingin ang paggamit sa lumalawak na digital economy ng bansa sa pamamagitan ng pagpapalawak ng konektibidad sa internet, lalo na sa mga geographically isolated and disadvantaged areas at pagbibigay ng sapat na digital skills sa mga Pilipino upang sila’y makapaghanapbuhay saanman at kailanman.
Sa isang mensaheng ipinaabot ni Sec. Aguda, na hindi nakadalo sa seremonya dahil sa naunang mga obligasyon, binigyang-diin niya ang kanyang bisyon para sa isang makabuluhan at matatag na ICT sector sa pamamagitan ng pagtutulungan.
Kabilang sa mga pangunahing adbokasiya ng bagong pamunuan ang pagpapalakas ng digital trust at seguridad.
Kabilang dito ang pagpapatibay sa mga panuntunan sa data privacy at pananagot ng mga digital platforms tulad ng Meta sa pagtukoy at pagtanggal ng mga pekeng job advertisements.
Bahagi ito ng mas malawak na hakbang upang protektahan ang mga manggagawang digital at tiyaking lehitimo at ligtas ang online job marketplaces.
Kasabay nito, isinusulong din ng DICT ang modernisasyon ng serbisyo-publiko sa pamamagitan ng mas mabilis, mas simple, at user-friendly na government e-services.
Inaasahang magiging mas episyente at abot-kaya ang mga transaksyon sa pamahalaan, lalo na para sa mga komunidad sa malalayong lugar.