Umabot na sa 9,720,352 katao o katumbas ng 2,661,857 pamilya ang naapektuhan ng Southwest Monsoon (Habagat) at ng bagyong Crising, Dante, at Emong, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Linggo.
Sa kabuuang bilang, 28,500 indibidwal mula sa 7,479 pamilya ang kasalukuyang nanunuluyan sa 265 evacuation centers, habang 40,597 katao mula sa 11,957 pamilya ang tinutulungan sa labas ng mga evacuation center.
Nananatili sa 37 ang iniulat na nasawi, kung saan lima ang kumpirmado at 32 pa ang inaalam.
May 32 naitalang nasugatan, 24 ang beripikado habang walo ang bineberipika pa.
Aabot sa 108,375 kabahayan ang naitalang nasira sa mga rehiyon ng Region 1, Region 2, CAR, Region 3, CALABARZON, MIMAROPA, Region 5, Region 6, NIR, Region 7, Region 9, Region 10, Region 11, Region 12, CARAGA, at BARMM.
Patuloy ding nakasara o apektado ang 815 kalsada at 43 tulay.
Umabot naman sa mahigit P3.15 bilyon ang pinsala sa agrikultura, na nakaapekto sa 98,307 magsasaka at mangingisda, habang tinatayang P16.5 bilyon ang pinsala sa imprastruktura sa ilang rehiyon.