Nakauwi na sa Pilipinas ang siyam na Filipino seafarers na binihag ng Houthi rebels sa Yemen, kasama ang mga labi ng kanilang kasamahan.

Dumating sila sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 bandang 9:30 p.m. nitong Huwebes, sakay ng flight mula Muscat, Oman, kung saan sila inilipat mula Sana’a, kasama si Migrant Workers Secretary Hans Cacdac.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), na-release ang mga seafarer dahil sa tuluyang koordinasyon sa pamahalaan ng Oman.

Personal na tinalakay ni DFA Secretary Ma. Theresa Lazaro ang sitwasyon ng mga Pilipino sa kanyang Omani counterpart noong Hulyo at muling binigyang-diin ang usapin noong Nobyembre.

Ang mga seafarer ay kabilang sa crew ng MV Eternity C, ang barkong lumubog sa Red Sea noong Hulyo 7 matapos paulit-ulit na atakehin ng Houthi militants gamit ang sea drones at rocket-propelled grenades.

-- ADVERTISEMENT --

May 22 crew ang barko, kung saan 21 ay Pilipino.

Bunsod ng insidente, nagpatupad ang pamahalaan ng pagbabawal sa Filipino seafarers na sumakay sa mga barkong dumaraan sa Red Sea at Gulf of Aden.

Inaatasan din ang mga manning agency na magbigay ng written guarantee na hindi daraan sa mga “war-like zones” ang mga barkong may Filipino crew.