Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na siyam pang kontratista ang nadagdag sa listahan ng mga posibleng nagbigay ng kontribusyon sa mga kandidato noong Eleksyon 2022.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, umabot na sa 43 kontratista ang tinukoy ng ahensya na maaaring lumabag sa Omnibus Election Code sa pamamagitan ng pagpopondo sa kampanya ng mga kandidato habang may kontrata sa pamahalaan.

Pitong kontratista ang nagbigay umano ng donasyon sa mga senador at kongresista, habang labinlima naman ang tumulong sa mga partido politikal at party-list.

Tatlo sa mga kontratistang nabanggit ay kabilang sa mga nabigyan ng flood control projects na una nang isinapubliko ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Naglabas na rin ang Comelec ng show cause order sa mga kontratistang sangkot upang ipaliwanag ang kanilang naging kontribusyon, at makikipag-ugnayan din ang ahensya sa DPWH upang beripikahin ang kanilang mga kontrata.

Babala ng Comelec, mahigpit na ipinagbabawal sa batas ang pagtanggap ng donasyon mula sa mga kontratistang may kasunduan sa pamahalaan.

-- ADVERTISEMENT --

Ang mga lalabag ay maaaring patawan ng anim na taong pagkakakulong, diskwalipikasyon sa paghawak ng posisyon sa gobyerno, at iba pang administratibong parusa mula sa DILG at Ombudsman.