TUGUEGARAO CITY-Nakarekober na ang siyam mula sa 12 na nagpositibo sa covid-19 UK variant sa Bontoc, Mountain Province.
Ayon kay Lourdes Claire Peel, Municipal Local Government Operations Officer ng Bontoc, nakalabas na ang anim sa pagamutan at naka-isolate sa kanilang tahanan ang tatlo na mahigpit pa ring minomonitor ng mga health care workers.
Aniya, nasa pagamutan pa rin ang tatlong iba pa na kasalukuyang binabantayan.
Sinabi ni Peel na inaalam pa rin nila kung paano nahawaan ng covid-19 UK variant ang ilan sa mga nagpositibo gayong ang mismong galing sa United kingdom ay hindi nagpositibo sa UK variant.
Disyembre 29,2020 nang lumabas ang resulta na positibo sa covid-19 ang residente na umuwi sa Bontoc na mula sa UK kung kaya’t isinailalim din sa swab test ang kanyang mga nakasalamuha kung saan mula sa 35 ay 12 ang nagpositibo sa covid-19 Uk variant.
Dagdag pa ni Peel na hindi agad nasabi o hindi naipagbigay alam sa kanilang tanggapan na may residente silang umuwi na mula sa UK noong nakaraang buwan.
Kaugnay nito, magpapadala ng karagdagang tig-sampung contact tracers ang Region 1, 2 at 3 habang labing anim naman ang manggagaling sa Cordillera Administration Region (CAR) para mas mapadali ang gagawing contact tracing.
Sa ngayon, sinabi ni Peel na mayroong 266 na aktibong kaso ng covid-19 sa lugar kasama si Bontoc Mayor Bontoc Franklin Odsey kung saan siya’y asymptomatic, 90 ang nakarekober at dalawa ang nasawi.