
Ginulat ni Lucy Milgrim, siyam na taong gulang na babae mula sa New York ang marami matapos niyang i-deadlift ang 180 pounds o 81.64 kilograms, tatlong beses ang bigat ng kanyawang katawan.
Si Lucy ay hindi katulad ng karamihan sa mga bata ngayon na madalas na nakatutok sa cell phones, dahil siya ay sumasali sa professional wrestling at limang beses na nagsasanay sa isang linggo.
Nakapagtala na siya ng tatlong US records sa USA Powerlifting organisation.
Nitong nakaraang buwan sa Arnold Sports Festival sa Columbus, Ohio, nagpakitang-gilas si Lucy nang buhatin niya ang 180 lbs nang isang buo at malinis na galaw sa harap ng masiglang tagapanood.
Ayon sa kanyang ama na si Brett Milgrim sa People Magazine, natural na malakas ang kanyang anak at nagsimula siyang gayahin ang kanyang mga magulang na nag-eehersisyo rin noong siya ay maliit pa lamang.
Gayunpaman, nagdulot ng kontrobersiya ang kanyang tagumpay sa social media.
Maraming netizens ang nag-aalala sa posibleng pinsala sa kalusugan dahil sa bigat na binubuhat niya, na hindi para sa siyam na taong gulang.
Sinabi ng isa pang netizen na maaaring mapinsala ang pelvic floor ni Lucy dahil sa kanyang ginagawa.










