TUGUEGARAO CITY-Umaabot sa 90 muffler o tambutso ng motor ang sinira ng City Environment and Natural Resources(CENRO) Tuguegarao na una nang nakumpiska nitong buwan ng Enero hanggang sa kasalukuyan buwan ngayong taon.

Ayon kay Noel Mora, head ng Cenro Tuguegarao, sinira ang mga tambutso sa pamamagitan ng pison at inilagay sa imbakan ng City hall.

Aniya, ang mga nakumpiskang tambutso ay mula sa mga lumabag sa ordinansa na nagbabawal sa paggamit ng mga motorsiklo na mayroong maiingay na tambutso.

Nabatid na ito na ang pangalawang pagsira sa mga nakumpiskang tambutso kung saan ang una ay umabot sa 300 nitong 2018.

Samantala , nilinaw ni Mora na hindi lamang mga residente sa lungsod ng Tuguegarao ang mga hinuhuli sa nasabing ordinansa bagkus ay maging ang mga nagtutungo sa lungsod na mayroong maiingay na tambutso.

-- ADVERTISEMENT --