Sumabak sa unang araw ng 2026 Bar Examinations ang kabuuang 12,029 examinees sa 15 local testing centers sa buong bansa noong Setyembre 6, ayon sa Supreme Court.

Pinakamarami ang kumuha ng pagsusulit sa University of San Jose-Recoletos na may 1,326 examinees, sinundan ng New Era University na may 1,277, San Beda University na may 1,151, Ateneo de Davao University na may 1,144 at Saint Louis University na may 1,132.

Sa mga kumuha ng unang araw ng pagsusulit, 45.9 porsyento ang first-time takers, 29.5 porsyento ang previous takers at 24.6 porsyento ang refreshers.

Mas marami ang babaeng examinees na umabot sa 6,773, kumpara sa 5,256 na lalaki. Pinakabata sa mga kumuha ng pagsusulit ang 24-anyos, habang 84-anyos naman ang pinakamatanda.

Ayon sa Supreme Court, kabilang din sa mga kumuha ng Bar Exams ang 304 persons with disabilities at 285 senior citizens.

-- ADVERTISEMENT --

Umabot naman sa 13,441 ang kabuuang bilang ng mga kwalipikadong kumuha ng 2026 Bar Examinations na isinasagawa sa Setyembre 6, 9 at 13.