
Isiniwalat sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na mayroon siyang 22 baril na nakarehistro sa kanyang pangalan, habang 29 naman ang nakapangalan sa kanyang asawang si Manases Carpio.
Ayon kay Police Major Jerickson Sangalang ng PNP Firearms and Explosives Office, kabilang sa mga baril ang mga pistol, revolver, rifle at shotgun.
Iginiit naman ng House lead prosecutor na si Batangas Rep. Gerville Luistro na dapat ideklara sa SALN ang mga naturang ari-arian, kabilang ang halaga ng mga ito.
Sa parehong pagdinig, sinabi ng PhilGEPS Division Chief Rendell Sopeña na nakapag-award ang Davao City government ng mahigit P7 milyon na government contracts sa GenCorp Industries Inc. sa pamamagitan ng negotiated procurement.
Ang GenCorp ay idineklara ni Sara Duterte bilang isa sa kanyang business interests sa kanyang 2024 at 2025 SALN.
Samantala, binigyan ng Senate impeachment court ng panahon ang depensa para pag-aralan ang panukala ng prosekusyon na magkasundo na lamang sa ilang detalye kaugnay ng mga bank records, sa halip na hilinging aminin ng bise presidente ang pagmamay-ari ng mga ito.
Inaasahang haharap naman bilang witness ng prosekusyon si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa Setyembre 29 o 30.




