
Iginiit ni ACT Teachers party-list Representative Antonio Tinio na bahagi ng lumalaking utang ng Pilipinas ay napupunta umano sa tinatawag na pork barrel.
Ayon kay Tinio, ginagamit ang malaking bahagi ng budget deficit para pondohan ang mga proyekto at programa ng pamahalaan, kabilang ang infrastructure, flood control, farm-to-market roads at Local Government Support Fund o LGSF.
Binatikos din niya ang discretionary nature ng ilang pondo at ang pagdaan umano ng ilang social assistance program sa mga politiko.
Itinanggi naman ng Department of Budget and Management o DBM ang pahayag at sinabing hindi awtomatikong nangangahulugan na ang hiniram na pera ay napupunta sa pork barrel.
Ayon kay DBM Undersecretary Goddes Hope Libiran, magkahiwalay na konsepto ang government borrowing, fiscal deficit at mga partikular na appropriation sa national budget.
Nilinaw din ng DBM na walang appropriation na tinatawag na “pork barrel” sa proposed 2027 National Expenditure Program at hindi umano pork barrel ang LGSF.




