Mariing kinontra ng Pilipinas ang pahayag ng Chinese Embassy na may sovereign rights at jurisdiction ang China sa karagatan malapit sa Batanes.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nasa 37 nautical miles northwest lamang ng Itbayat ang Chinese research vessel na JIA HAI KE 7, kaya malinaw na nasa loob ito ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Iginiit din ng kagawaran na lehitimo at bahagi ng routine law enforcement operations ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagtaboy sa barko dahil pinaghihinalaan itong nagsasagawa ng unauthorized marine scientific research.

Sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), kailangan ang pahintulot ng coastal state bago magsagawa ng marine scientific research sa EEZ nito.

Binigyang-diin ng DFA na walang natanggap na request ang Pilipinas at walang ibinigay na consent sa JIA HAI KE 7.

-- ADVERTISEMENT --

Kasunod ito ng pahayag ng Chinese Embassy na nasa ilalim umano ng jurisdiction ng China ang naturang karagatan, at inakusahan ang PCG ng harassment at paglabag sa international law dahil sa pagtaboy sa research vessel.

Matapang naman ang naging tugon ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, na tinawag na “kaChinongalingan” ang pahayag ng China at iginiit na wala itong karapatan o jurisdiction sa Batanes.

Nanindigan din si Tarriela na patuloy na kokontrahin at itataboy ng PCG ang mga Chinese research vessel na nagsasagawa ng pananaliksik sa Philippine waters nang walang pahintulot.

Nauna nang itinaboy ng PCG sa pinamamalagiang lugar ang JIA HAI KE 7 matapos mag-deploy ng BRP Teresa Magbanua at aircraft, sa kabila ng pagdating ng China Coast Guard vessel CCG-2503.