
Hinarap ng Cornell University sa New York ang batikos mula sa mga estudyante matapos lumabas ang alegasyon na ilang miyembro ng fraternity ang nanggahasa umano sa isang babae noong 2024.
Kasunod ito ng pagsasampa ng civil lawsuit at muling pagbubukas ng criminal investigation sa kaso.
Sa isang public hearing, kinuwestiyon ng mga estudyante ang naging tugon ng unibersidad at sinabing kulang umano ang transparency at accountability sa paghawak ng kaso.
Sinabi naman ng Cornell na nagsagawa ito ng komprehensibong imbestigasyon, ipinagbawal sa campus ang fraternity na sangkot sa alegasyon at nagpataw ng iba’t ibang disciplinary measures, kabilang ang pagpapatalsik sa ilang estudyante.
Samantala, isang 2025 university survey ang nagpakitang 35% ng undergraduate women sa Cornell ang nagsabing nakaranas sila ng nonconsensual sexual contact mula nang pumasok sa unibersidad, mas mataas sa 20% na naitala noong 2021.
Nanawagan ang student assembly ng mas malinaw na ulat sa paghawak ng mga kaso at taunang paglalabas ng resulta ng mga sexual misconduct cases.




