Iniulat ng Commission on Audit o COA na 28 sa 119 pumping units ng MMDA, o tinatayang isa sa bawat apat, ang hindi operational sa pagtatapos ng 2025 dahil sa repair, replacement o rehabilitation.

Ayon sa COA, maaaring bumagal ang pag-apula ng baha sa ilang lugar kapag malakas ang ulan dahil limitado ang kapasidad ng mga pumping station.

Pinakamalaki ang problema sa Uli-Uli Pumping Station sa Manila, na walang operational na pump, habang dalawa lamang sa anim na unit sa Libertad Pumping Station sa Pasay ang gumagana.

Sinabi naman ng MMDA na hindi nakaaapekto sa kabuuang operasyon ang kasalukuyang rehabilitation at mayroon itong mobile pumping units na maaaring gamitin sa emergency.

Binigyang-diin ng COA na hindi ganap na kontrolado ng MMDA ang malalaking repair at rehabilitation dahil nasa DPWH ang pangunahing responsibilidad sa pondo at infrastructure projects.

-- ADVERTISEMENT --

Inirekomenda ng COA ang mas maayos na koordinasyon ng MMDA at DPWH, sapat na pondo para sa repairs, at pagpapalakas ng monitoring at automation ng pumping stations.