
Nakipagkasundo ang University of the Philippines (UP) at Manila HealthTek Inc. para palawakin ang paggamit ng RxBox, isang biomedical device na nagbibigay-daan sa remote patient monitoring at telemedicine.
Sa ilalim ng kasunduan, gagamitin ng Manila HealthTek ang RxBox trademark ng UP para sa device na kumukuha ng vital signs at nagpapadala ng datos sa internet upang matulungan ang mga health worker sa mga lugar na kulang sa serbisyong medikal.
Sinusukat ng RxBox ang blood pressure, heart rate, oxygen saturation, temperatura, ECG at maternal-fetal data. Maaari rin itong gamitin sa electronic health records, initial assessment at referral sa mga espesyalista.
Nakapag-deploy na ang proyekto ng 1,000 units sa mga piling health facility, kabilang ang CALABARZON, at ginamit din ito noong COVID-19 pandemic para sa remote monitoring ng mga pasyente.
Ayon sa Manila HealthTek, inihahanda na ang bagong bersyon na “RxBox Next Gen” para mas mapalawak ang paggamit nito bilang suporta sa Universal Health Care program.
Binuo ang teknolohiya ng mga Filipino engineer at medical expert, katuwang ang UP at Department of Science and Technology.




