
Iginiit ni Anti-Money Laundering Council Executive Director Ronel Buenaventura na walang itinamang records ang AMLC sa mga dokumentong isinumite nito sa Senate impeachment court kaugnay sa kaso ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Buenaventura, na testigo ng House prosecution panel, na-validate na ng AMLC ang records bago isumite sa impeachment court kaya hindi na umano kinailangang itama ang mga ito.
Nilinaw niya ito matapos lumitaw ang malaking diperensya sa halaga ng covered at suspicious transactions na iniugnay sa mga account ni Duterte at ng kanyang asawang si Manases Carpio.
Noong Lunes, sinabi ni Buenaventura na nasa P4.4 bilyon ang naturang transactions, kumpara sa P6.7 bilyon na iniulat ng AMLC sa pagdinig noong Abril.
Nauna namang sinabi ng kampo ni Carpio na dapat P2 milyon, at hindi P2 bilyon, ang naiulat na kabuuang inflow sa kanyang bank account dahil umano sa isang systems glitch sa Bank of the Philippine Islands o BPI.




