Nagdulot ng malawakang pinsala sa iba’t ibang bahagi ng France ang mararahas na sagupaan, sunog at pagnanakaw kasunod ng mga protesta laban sa tumataas na gastusin sa pamumuhay.

Ayon kay French Prime Minister Sebastien Lecornu, nasa 1,200 katao ang naaresto at 150 pulis ang nasugatan sa kaguluhan sa iba’t ibang lungsod, kabilang ang Paris.

Tinatayang 550,000 katao ang lumahok sa mga protesta ayon sa French Interior Ministry, habang 800,000 naman ang bilang na iniulat ng isang unyon ng mga manggagawa.

Gumamit ng tear gas at water cannon ang mga pulis upang kontrolin ang mga demonstrador.

Samantala, nilooban ang maraming tindahan at nasunog ang mahigit 140 taong gulang na city hall sa Limoges.

-- ADVERTISEMENT --

Pangunahing hinaing ng mga nagprotesta ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at upa, mababang sahod, at mga problema sa sistema ng edukasyon at pamahalaan.

Naganap ang kaguluhan anim na buwan bago ang halalan sa pagkapangulo ng France.

Nangako si Pangulong Emmanuel Macron na papanagutin ang mga sangkot sa paninira, pag-atake at pagnanakaw.