Tinanggap ng Department of Education (DepEd) ang panukalang tumulong ang mga magulang sa pagbabantay sa mga paaralan kasunod ng sunod-sunod na insidente ng pamamaril sa mga estudyante nitong mga nakaraang buwan.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, makatutulong ang aktibong partisipasyon ng mga magulang hindi lamang sa seguridad ng mga paaralan kundi pati sa pagtugon sa mga isyu ng mental health at paggamit ng social media ng mga mag-aaral.

Bahagi ito ng Kaagapay Program ng DepEd na naglalayong palakasin ang pakikilahok ng mga magulang sa pag-aaral at pag-unlad ng kanilang mga anak.

Sa isinagawang school safety audit sa Lakan Dula High School sa Tondo, Maynila, pinuri ni Angara ang mga hakbang ng paaralan, kabilang ang paggamit ng CCTV cameras, metal detectors at mga kagamitang medikal.

Mayroon ding drop box at QR code ang paaralan upang makapagsumbong nang hindi nagpapakilala ang mga estudyante at guro.

-- ADVERTISEMENT --

Hinimok din ni Angara ang mga magulang na maging mas aktibo sa paggabay sa kanilang mga anak, maging sa loob ng tahanan.