Natagpuan ang isang fetus na nakasilid sa kahon ng sapatos at nakabalot sa plastic, sa tambak ng basura sa Regalado Highway, Barangay North Fairview, Quezon City bago mag-alas-tres y medya ng hapon nitong Linggo, Nobyembre 1.

Ayon sa mga opisyal ng barangay, isang lalaking nangangalakal ng basura ang nakadiskubre rito habang naghahalukay sa mga basurang nakatambak malapit sa isang poste.

Batay sa CCTV footage, matapos makita ang fetus ay agad na humingi ng tulong ang lalaki sa isang residente na siyang nag-ulat sa barangay.

Agad namang rumesponde ang mga opisyal ng barangay at nakipag-ugnayan sa Quezon City Police District Station 5.

Sa paunang pagsusuri, malaki na umano ang fetus at nangangailangan ng dalawang palad upang mabuhat ito.

-- ADVERTISEMENT --

Sa isinagawang pagrepaso sa mga CCTV footage, nakita ang ilang nangangalakal na huminto sa lugar bago madiskubre ang fetus, subalit hindi pa matukoy kung sino ang nag-iwan nito.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at inaalam kung may iba pang CCTV camera sa mga kalapit na establisimyento na nakahagip sa posibleng suspek.