
Nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Bureau of Customs at Philippine National Police ang tinatayang 200 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱1.36 bilyon sa Manila International Container Port sa North Harbor, Maynila.
Ayon sa PDEA, nakatago ang droga sa 200 vacuum-sealed plastic bags na inilagay sa loob ng 50 kahon ng karton. Ilang araw umanong hindi ito inangkin kaya isinailalim sa proseso ng abandonment bago binuksan at natuklasan ang kontrabando.
Nagmula ang shipment sa Laos at dumaan sa Haiphong, Vietnam at Hong Kong bago makarating sa Pilipinas noong Oktubre 6. Natukoy ang presensya ng ilegal na droga matapos ang X-ray examination, inspeksiyon ng mga sinanay na aso at pagsusuri gamit ang Raman spectrometer.
Nakatanggap umano ang PDEA ng intelligence report mula sa mga katuwang na awtoridad sa ibang bansa noong Setyembre 25 hinggil sa kahina-hinalang kargamentong patungo sa Pilipinas.
Patuloy na tinutunton ng mga awtoridad ang consignee at iba pang posibleng sangkot sa tangkang pagpupuslit. Maaaring maharap ang mga ito sa kasong importation of dangerous drugs sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.




