
Ipinakilala ng isang Indonesian tsunami expert ang tinatawag na 20-20-20 rule bilang mahalagang gabay sa mga mamamayan upang makapaghanda at agad na makalikas sakaling magkaroon ng banta ng tsunami.
Sa isinagawang press briefing kasabay ng Fourth Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) sa bayan ng Santa Ana, Cagayan, ipinaliwanag ni Dr. Abdul Muhari, Deputy for Prevention ng National Disaster Management Authority (BNPB) ng Indonesia, na kapag nakaranas ng malakas o matagal na pagyanig na tumagal nang 20 segundo, dapat nang magsagawa ng agarang paglikas.
Ayon kay Muhari, maaaring mayroon na lamang 20 minuto ang mga residente upang makalayo sa baybayin at magtungo sa ligtas na lugar na hindi bababa sa 20 metro ang taas mula sa sea level.
Iginiit din niya ang kahalagahan ng pagtukoy sa mga lugar na higit na nanganganib at sa mga sektor ng komunidad na pinakabulnerable sa panahon ng kalamidad.
Dapat aniyang magkaroon ng malinaw na lokal na evacuation plan na binuo sa tulong at aktibong partisipasyon ng mga residente, kabilang ang pagtukoy sa mga ligtas na lugar na maaaring puntahan ng bawat komunidad kapag may banta ng tsunami.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangan ng maaasahang evacuation centers upang mapabilis at maging ligtas ang paglikas ng mga mamamayan.
Samantala, nagbabala si Muhari na hindi dapat hintayin ng mga mamamayan ang opisyal na tsunami warning bago lumikas dahil maaaring hindi pa kumpleto ang unang impormasyong ilalabas ng mga awtoridad matapos ang isang malakas na lindol.
Ipinaliwanag niya na kailangang makapaglabas ng paunang tsunami warning sa loob ng unang tatlong minuto matapos ang lindol kahit hindi pa ganap na natutukoy ang lakas nito, at saka na lamang i-update ang babala kapag mayroon nang mas kumpletong datos.
Bilang halimbawa, binanggit nito ang nangyari sa Japan noong 2011, kung saan magnitude 7.6 lamang ang unang naitalang lakas ng lindol sa loob ng unang tatlong minuto bago pa makumpleto ang pagsusuri sa aktuwal na magnitude nito.
Paliwanag ni Muhari, maaaring umabot ng hanggang 12 minuto ang pagyanig ng napakalakas na lindol na may magnitude 8.5 hanggang 9.0 kaya hindi na maaaring hintayin pa ang kumpletong kalkulasyon bago maglabas ng babala.
Nagbabala rin siya na kahit 30 sentimetrong taas lamang ng tsunami ay maaari nang makamatay dahil sa lakas ng agos nito.
Kapag natumba ang isang tao, maaari na itong mahirapang makatayo dahil sa sunod-sunod na alon na posibleng magdala at tumama sa kaniya sa mga bato at iba pang matitigas na bagay.
Dahil dito, sinabi niyang sa Indonesia ay isinasagawa ang paglikas kahit 50 sentimetro lamang ang inaasahang taas ng tsunami dahil may potensiyal pa rin itong magdulot ng pagkamatay.
Si Muhari ang nagsilbing pangunahing panauhin sa Fourth Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED), kasabay ng paggunita sa World Tsunami Awareness Day, sa bayan ng Santa Ana, Cagayan na nagsilbing pangunahing pilot area ng pambansang pagsasanay.
Pinangunahan ng Office of Civil Defense (OCD), katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, uniformed services at mga lokal na pamahalaan, ang pagsasagawa ng nasabing earthquake drill.
Tampok dito ang full-scale simulation ng magnitude 8.5 na lindol na susundan ng tsunami na dulot ng paggalaw sa East Luzon Trough, kung saan itinakda ang sentro ng lindol sa layong 180 kilometro sa timog-silangan ng Santa Ana, Cagayan.
Target ng pagsasanay na masuri at mapalakas ang kahandaan at kakayahan ng pamahalaan sa pagtugon sa malawakang sakuna, partikular ang pagpapatupad ng Earthquake and Tsunami Contingency Plan at Regional Disaster Response Plan (RDRP) ng Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction and Management Council.
Sa pamamagitan nito, matutukoy ang mga dapat pang pagbutihin sa koordinasyon, paghahanda at aktuwal na pagtugon ng mga ahensya at lokal na pamahalaan sakaling magkaroon ng malakas na lindol at tsunami.







