
Nagbabala ang mga kumpanya ng langis sa Pilipinas na tataas ang gastos sa transportasyon at hahaba ang paghihintay sa suplay kung sa Estados Unidos kukunin ang lahat ng pangangailangan ng bansa sa produktong petrolyo.
Ayon sa Philippine Institute of Petroleum (PIP), aabot sa 30 hanggang 45 araw ang biyahe ng mga produktong petrolyo mula US patungong Pilipinas, kumpara sa pito hanggang sampung araw lamang mula sa mga supplier sa Asya gaya ng South Korea at China.
Sinabi ni PIP Executive Director Raffy Capinpin na mas magastos ang freight mula Amerika dahil kailangang tumawid ang mga barko sa Pacific Ocean.
Dagdag pa niya, mas mainam na magkaroon ang Pilipinas ng iba’t ibang pinagkukunan ng suplay sa halip na umasa lamang sa iisang bansa.
Samantala, nagbabala ang LPG supplier na Regasco na posibleng tumaas ang presyo ng cooking gas kapag pinilit itong kumuha ng suplay mula US dahil sa mas mataas na gastos sa transportasyon.
Iginiit din ng PIP na hindi maaaring pilitin ng pamahalaan ang mga pribadong kumpanya ng langis na bumili sa iisang supplier dahil sa umiiral na batas.
Ayon pa kay Capinpin, mula naman sa Middle East kinukuha ang crude oil na ginagamit ng Petron, ang nag-iisang kompanya sa bansa na may sariling oil refinery.







