Tuguegarao – Aabot sa 1M household beneficiaries ang bilang ng mga makakatanggap ng ayuda mula sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Region 2.

Ito ay bilang tugon sa layuning tulungan ang higit na mga nangangailangan na naapektohan bunsod ng umiiral na Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Chester Trinidad, tagapagsalita ng DSWD Region 2, nasa mahigit P3-B ang inilaan at ibinabang pondo sa region 2.

Aniya, ang pamamahagi ng ayudang ito ay ibinase sa bilang ng sambahayan o households na kwalipikadong makakatanggap at hindi sa bilang ng pamilya na nasa iisang bahay.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang din sa namamahagi ng ayuda ay ang tanggapan ng Department of Agriculture (DA), Department of Labor and Employment (DOLE) at iba pang mga concerned agencies.

Paliwanag ni Trinidad, sakali man na nakatanggap na ng ayuda ang isang indibidwal ay hindi na makakakuha pa sa iba pang ahensya.

Ito ay upang maiwasan ang doble-dobleng pagtanggap at upang matulungan ang iba pang pasok din sa mga naturang programa.

Mamomonitor aniya ito sa pamamagitan ng ibibigay na Social Amelioration Card kung saan nakasulat lahat ng transaction ng isang indibidwal na tatanggap ng ayuda.

Sa ngayon ay Alicia, Isabela palamang aniya ang nabibigyan ng ayuda unang nakapagsumite at nakakompleto ng mga kaukulang requirements.

Nabatid na makakatanggap ng P5,500 pesos ang mga sambahayan na pasok sa kwalipikasyon.

Samantala, maalalang isa sa tinitignang kwalipikasyon ng pagpili sa mga beneficiaries ay ang mga kabilang sa hanay ng “poorest of the poor”.