Hinamon ni House Committee on Human Rights Chairman Bienvenido Abante Jr. si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na humarap sa pagdinig o manahimik na lang.

Kaugnay ito sa mga alegasyon ni Magalong na may mga kongresistang sangkot sa maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Abante, ang pagmamatigas ni Magalong ay insulto sa institusyon at minamaliit ang mga miyembro ng Kamara na nakatutok sa pagtupad sa mandato.

Kung hindi aniya hihingi ng paumanhin ang alkalde ay dapat itong humarap sa imbestigasyon ng Kamara, pangalanan ang dapat pangalanan, magsumite ng dokumento at tumestigo “under oath”.

Punto ni Abante, walang kahihinatnan ang mga patama o akusasyon kaya kung nais ni Magalong ay magprisinta na lang ito ng konkretong ebidensya at sama-sama nilang panagutin ang may sala.

-- ADVERTISEMENT --

Babala ni Abante, sisirain ng mga walang habas na pananalita ni Magalong ang tiwala sa mga institusyon gaya ng Kamara na nais din namang tugunan ang korapsyon sa flood control projects.

Wala umanong monopolyo ang local chief executive sa mabuting intensyon.

Banat pa ni Abante, tila matapang lang si Magalong kapag kaharap ang media kaya kung talagang may malasakit siya sa mga Pilipino ay dumalo na siya sa pagdinig ng Tri-Committee sa Kamara.

Kapag hindi niya ito ginawa, naniniwala ang mambabatas na maikukumpara lang ang alkalde sa latang walang laman na puro ingay.