Iginiit ng isang abogado na hindi dapat basta sumunod ang mga senator-judge sa anumang ruling ng presiding officer sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Rico Domingo, chairperson ng Movement Against Disinformation at dating presidente ng Philippine Bar Association, maaaring tutulan ng mga senator-judge ang desisyon ng presiding officer at isalang ito sa botohan kung may iba silang pananaw.

Ginawa ni Domingo ang pahayag matapos hindi maisama bilang testigo si dating senador Antonio Trillanes IV, na nagpahayag ng pagtutol sa hindi pag-isyu ng subpoena para sa kanya.

Sinabi ni Domingo na dapat sanang payagan ang prosecution panel na iharap si Trillanes bilang testigo at hindi ito pangunahan ng presiding officer.

Samantala, sinabi ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na hindi lamang si Senate President Francis Escudero ang nagdesisyon na huwag i-subpoena si Trillanes.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon naman sa impeachment court spokesperson, hindi naisama ng prosecution panel ang pangalan ni Trillanes sa tamang oras para sa subpoena, ngunit maaari pa rin umano siyang humarap bilang voluntary witness.