Mariing itinanggi ni Atty. Nicholas Kaufman, legal counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang kumakalat online na nawalan umano ng malay ang dating lider sa loob ng kanyang selda sa International Criminal Court (ICC) detention facility sa The Hague.

Ayon sa abogado, walang katotohanan ang naturang impormasyon at nakapanayam pa niya mismo si Duterte, na aniya ay mahinahong naghihintay sa desisyon ng ICC Appeals Chamber kaugnay ng kanyang hiling na interim release.

Kasalukuyang nakakulong si Duterte sa Scheveningen Prison dahil sa mga kasong may kinalaman sa umano’y crimes against humanity sa gitna ng madugong kampanya kontra droga noong siya ay alkalde ng Davao at bilang Pangulo.

Nakatakdang ilabas ng ICC Appeals Chamber ang kanilang desisyon sa Nobyembre 28, sa isang open court proceeding na ipo-broadcast online.

Matatandaang ibinasura ng ICC Pre-Trial Chamber I noong Setyembre 26 ang hiling ni Duterte na pansamantalang makalaya habang dinidinig ang kaso laban sa kanya.

-- ADVERTISEMENT --