
Iginiit ng abogado na nag-notaryo sa affidavits ng 18 na umano’y dating Marines, na nagsabi na sila ay naging “bagmen” ni dating Congressman Zaldy CO, na siya ay lehitimong abogado at hindi peke.
Sinabi ito ni Atty. Charlie Pascual matapos na magtungo sa National Bureau of Investigation bilang tugon sa ibinigay sa kanya na subpoena.
Ayon kay Pascual, nagsumite siya ng mga dokumento sa NBI Special Action Unit para patunayan na siya ay tunay at siya ay notary public para sa Las Piñas sa loob ng mahigit isang dekada.
Binigyang-diin ni Pascual na wala siyang pakialam sa laman ng sinumpaang salaysay ng mga umano’y dating Marines, dahil ginawa lamang niya ang kanyang tungkulin bilang isang abogado.
Kinumpirma niya na personal siyang pinuntahan ng mga nasabing indibidual sa kanyang opisina para ipa-notaryo ang kanilang affidavits.
Samantala, ang mga nasabing umano’y dating Marines, ang kanilang abogado na si Levito Baligod, at dating Congressman Mike Defensor, na pinadalhan din ng subpoena ay inaasahan na haharap sa NBI sa March 12.






