Palaisipan ngayon sa pamunuan ng Police Regional Office (PRO) II kung paano nakakuha ng pansamantalang kalayaan ang abugadong nagpaputok ng baril at namaril ng mga rumespondeng pulis sa Solano, Nueva Vizcaya.
Bagamat bailable-offense ang kasong frustrated murder at illegal possesion of firearms, ipinagtataka ni PBrigGen Angelito Casimiro, director ng PRO-II kung paano nakapagpiyansa si Atty. Alvin Pentecostes Andrenal, 39 anyos ng Barangay Quirino gayong holiday season.
Gayunman, tiniyak ni Casimiro na hindi pa rin makalulusot ang naturang abugado sa kinakaharap na kaso.
Matatandaang nakatanggap ng tawag ang Solano Police Station hinggil sa pagpapaputok ng baril ni Atty Andrenal noong bisperas ng Bagong Taon.
Subalit sa pagtugon ng pulisya ay pinaputukan umano sila nang noon ay lasing na abugado at maswerte namang walang tinamaan.