
Naniniwala si Atty Lorna Kapunan na may sapat nang ebidensya na nakita at narinig ng House of Representatives Committee on Justice upang makahanap ng probable cause laban kay Vice President Sara Duterte para sa impeachment.
Ayon sa kanya, naabot na ng komite ang layunin nito na patunayan na may naganap na paglabag sa batas at may sapat na batayan upang paniwalaang posibleng may pananagutan ang Bise Presidente.
Nilinaw din niya na hindi kinakailangan ang “guilt beyond reasonable doubt” sa yugtong ito, kundi sapat na ang probable cause.
Kasabay nito, nagbabala si Kapunan sa publiko na huwag basta maniwala sa mga press release, sa mga pahayag ng kampo ng Bise Presidente, o mga online troll na sinusubukang pahinain ang mga natuklasan tungkol sa hindi pagdedeklara sa SALN at mga kahina-hinalang bank transactions.
Aniya, walang “spin” ang makakapagbago sa mga datos na nasa official record.
Hinimok niya ang publiko na “sumunod sa numero” at pagbasehan ang mga konkretong ebidensya kaysa sa mga opinyon o propaganda.
Para sa kanya, ang mga dokumento mula sa mga ahensya ng gobyerno ay malinaw at hindi maikakaila.
Tinukoy niya na ang mga ebidensya mula sa Office of the Ombudsman para sa SALN, Anti-Money Laundering Council o AMLC para sa financial transactions, at Securities and Exchange Commission o SEC para sa mga kumpanya ng Bise Presidente at ng kanyang asawa.
Sa kabuuan, iginiit ni Kapunan na ang mga record na ito ay hindi haka-haka o tsismis, kundi pawang mga opisyal na dokumento na maaaring magsilbing matibay na ebidensya sa anumang legal na proseso.










