Humiling ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court na magsagawa ng panibagong medical examination upang muling matukoy kung sapat ang kanyang kalagayan upang humarap sa paglilitis kaugnay ng kasong crimes against humanity.

Sa pitong pahinang mosyon na inihain noong Mayo 25, sinabi ng abogado ni Duterte na si Peter Haynes na ang naunang pagsusuri sa dating pangulo ay nakatuon lamang sa pre-trial stage at hindi sa mismong paglilitis.

Ayon kay Haynes, isa sa mga eksperto na nagsuri kay Duterte noon ang nagsabing bahagya lamang ang kanyang pag-unawa sa mga akusasyon at may ilang kondisyon na maaaring makaapekto sa kanyang kakayahang humarap sa paglilitis.

Iginiit ng depensa na may patuloy na obligasyon ang ICC Trial Chamber III na muling suriin ang kakayahan ng akusado na humarap sa paglilitis kada 120 araw o kapag hiniling ng alinmang panig.

Hiniling din ng kampo ni Duterte na gamitin ng korte ang Rule 135 ng ICC Rules of Procedure, na nagbibigay kapangyarihan sa hukuman na mag-utos ng medical, psychiatric o psychological examination ng isang akusado.

-- ADVERTISEMENT --

Sa isinagawang status conference noong Mayo 27, sinabi ni ICC Trial Chamber III Presiding Judge Joanna Korner na nakatakdang magsagawa ang korte ng panibagong pagsusuri sa kalagayan ni Duterte kaugnay ng mga kasong may kaugnayan sa kanyang kampanya kontra ilegal na droga noong siya ay alkalde ng Davao City at kalaunan bilang pangulo ng bansa.

Ayon sa depensa, handa silang magsumite ng listahan ng mga eksperto mula sa ICC sakaling kailanganin ang panibagong panel na magsasagawa ng pagsusuri bago tuluyang magsimula ang paglilitis.